Orcollo pinagharian ang 2011 World 8-Ball Event
MANILA, Philippines - Hndi nasayang ang magandang paglalaro na nakita kay Dennis Orcollo nang mapagharian niya ang 2011 World 8-Ball Pool Championships sa Fujairah Exhibition Center, Fujairah, UAE.
Napanatili ni Orcollo ang matikas na paglalaro laban kay Niels Feijen ng the Netherlands para kunin ang 10-3 panalo sa finals at maging ikatlong Filipino cue artist na nanalo sa nasabing kompetisyon.
Si Efren “Bata” Reyes ang unang kampeon ng kompetisyon noong 2004, habang si Ronato Alcano naman ang naghari sa 2007 edition.
Si Orcollo, ang dating pinakamagandang tinapos ay sa ikatlong puwesto, ay nakagawa ng limang sunod na runouts para alisan agad ng anumang kumpiyansa si Feijen.
Nakatira pa rin si Feijen at nakapanakot nang kunin ang sumunod na tatlong racks para matapyasan ang kalamangan pero nawala ang momentum nang naisablay ang 4-ball na huminto sa butas.
Madaling naubos ni Orcollo ang rack bago nagpamalas uli ng husay sa break tungo sa magkasunod na runouts para sa 8-3 kalamangan.
Nawala na ang anumang kumpiyansa ni Feijen nang maisablay ang malayong tira upang makabalik agad si Orcollo at tinapos ang rack para sa 9-3 kalamangan.
Hindi na nagpabaya pa si Orcullo sa 13th rack tungo sa isa pang runout para sa tagumpay.
Ang kampeonato ay nagbigay daan kay Orcollo, nanalo ng gintong medalya sa 2010 Asian Games sa Guangzhou, China noong Nobyembre, upang maihanay siya kina Reyes, Alcano at Alex Pagulayan na nagkampeon sa World 8-ball, 9-ball at 10-ball.
“Hindi nasayang ang paghihirap ko dahil nakuha ko rin ang titulo sa 8-ball,” wika ni Orcollo na binitbit ang gantimpalang $40,000.
Ito ang ikalawang titulo ni Orcollo sa taong ito matapos maghari sa Derby City Classic 9-ball division.
Ikalawang sunod na runner-up finish naman ito para kay Feijen na tumanggap ng $25,000 premyo.
Tinalo naman ni David Alcaide si Darren Appleton, 9-2, para makuha ang ikatlong puwesto at halagang $14,000, habang $10,000 naman ang pabuya ni Appleton.
- Latest
- Trending