Hangad ang 2-0
Bukas ay pagglalabanan kaagad ng Barangay Ginebra at Alaska Milk ang liderato sa PBA Commissioners Cup.
Kapwa nagtala ng convincing na panalo ang dalawang ito kontra sa magkahiwalay na kalaban sa kanilang unang laro. Tinambakan ng Barangay Ginebra ang Meralco Bolts, 115-98 sa opening day noong Pebrero 18 sa Ilocos Norte Centennial Area sa Laoag City. Dinurog naman ng Alaska Milk ang Powerade, 106-82 noong Miyerkules sa Cuneta Astrodome.
Magandang duwelo ito sa pagitan ng Gin Kings at Aces na nagharap sa best-of-three quarterfinal round ng nakaraang Philippine Cup.
Magugunita natin na sa Araw ng Pasko natapat ang Game Three ng seryeng iyon at nagwagi ang Gin Kings upang makausad sa semifinals kung saan nakatapat nila ang sister team San Miguel Beer.
Kahit paano’y masasabing masakit na pagkatalo iyon para sa Aces na nangangarap sanang makapagsubi ng ikalawang sunod na kampeonato matapos na maghari sa Fiest Conference ng nakaraang season.
Pero nagwakas nga ang kanilang kampanya sa Araw pa ng Pasko. Kaya doble ang sakit na naramdaman nina coach Tim Cone at mga bata niya. Kaya naman tiyak na pinaghandaan nila ang laban bukas para makabawi sila kahit na paano.
Maganda ang salpukang ito dahil kapwa exciting ang mga imports ng dalawang teams.
Nung una, hindi masyadong pinapansin si Nate Brumfield dahil sa hindi naman eye-popping ang kanyang credentials kumpara kay Anthony Dandridge ng Meralco na isang dating NCAA slam dunk champion.
Pero maganda ang naging debut ni Brumfield dahil sa muntik na itong makakumpleto ng triple double laban sa Bolts. Nagtapos siya nang may 32 puntos, 11 rebounds at walong assists bukod pa sa dalawang steals sa 37 minuto.
Tuloy ay napabilib niya ang karamihan. At umaasa si coach Joseph Uichico na lalong gaganda pa ang numero ng kanyang import.
Ito namang si Karry Demetrius Williams ng Alaska Milk ay dumating bilang kahalili ng original choice na si Eddie Basden na sumobra sa heigth limit na 6-4. Isa din itong dating slam dunk champion sa NBA D-Leage.
At very exciting nga ang manlalarong ito dahil sa kung ilang beses niyang dinakdakan ang Powerade Tigers. Hindi nga lang namin alam kung magagawa niya iyon kontra sa Gin Kings. Kapag nagawa niya iyon, dadami ang bibilib sa kanya.
Kaya lang, nagtamo ito ng cramps sa third quarter ng game kontra Tigers. At ito ang inaalala ni Cone. Kasi, hindi puwedeng ma-miss nila si Williams sa endgame kontra sa Gin Kings. Kaya kailangang siguraduhin na maganda ang kundisyon ni Williams upang makumpleto niya ang laro.
Mahalaga para sa dalawang teams na magwagi dahil sa maikli lang ang elims. Aba’y kung maka-2-0 ang isang team sa simula ng Commissioners Cup, malaking bentahe na iyon!
- Latest
- Trending