MANILA, Philippines - Kinalos ni 2007 champion Ronato Alcano si Oliver Ortmann, habang dalawang panalo naman ang kinuha ni Dennis Orcollo upang manatiling palaban ang dalawa sa hangaring madomina ang idinadaos na 2011 World 8-Ball Pool Championships sa Fujairah Exhibition Center, Fujairah, UAE.
Matibay ang paglalarong nasilayan pa rin kay Alcano upang kalusin ang mahusay na German player sa bisa ng 9-6 panalo at makaabante sa third round ng torneo.
Hindi naman nagpahuli ang Asian Games gold medalist na si Orcollo nang ilampaso si Stephan Cohen, 9-0, at isinunod si Vincent Facquet, sa dikitang 9-8 panalo.
Ang iba pang Filipino players na pinalad na makaabante ay sina Joven Alba, at Oliver Medinilla.
Si Alba na sinibak si Efren “Bata” Reyes sa panimula ng knockout stage ay nanalo kay Raj Hundal, 9-7, habang si Medinilla na bye sa first round ay nanalo naman kay Vilmos Foeldes, 9-5.
Minalas naman sina Antonio Lining, Roberto Gomez, Lee Van Corteza, Joven Bustamante, Rodolfo Luat at Francisco Felicilda nang matalo sa kanilang mga laban para mamaalam na sa kompetisyon.
Si Lining na bye sa first round ay natalo kay Carlo Dalmatin, 4-9; si Gomez ay yumukod kay Chang Jun Lin, 6-9; si Corteza ay namahinga kay David Alcaide, 3-9; si Bustamante ay bigo kay Ralf Souquet, 7-9; si Luat ay talunan kay Omar Al Shaheene, 5-9; at si Felicilda ay lumasap ng 7-9 kabiguan kay Manuel Gama.
Bagong kampeon din ang lalabas matapos ang edisyong ito dahil ang dating kampeon na si Karl Boyes ay sinibak ni Mika Immonen sa 9-1 iskor.
Ang tapatan sa Last 16 ay kapapalooban nina Orcollo laban kay Shane Van Boening; Medinilla laban kay Niels Feijen; Alba at Basher Hussain at Alcano laban sa US Open 9-Ball champion Darren Appleton.
Ang iba pang labanan para sa Last 8 ay sa pagitan nina Dalmatin at Takhti Zarekari; Chang at Alcaide; Immonen at Thomas Engert at Al Shaheene at Nick Van Den Berg
Tumataginting na $40,000 ang mapupunta sa magkakampeon habang ang papangalawa ay magkakamit naman ng $25,000.
Ang top 16 players ay nakatiyak nang $3,500 habang ang top eight ay makakapag-uwi nang $6,000. Ang papang-apat ay may $10,000 habang $14,000 ang gantimpala ng manlalarong lalagay sa ikatlong puwesto sa torneong nilahukan ng 112 batikang pool players sa mundo.