Donaire payag na labanan si Moreno
MANILA, Philippines - Matapos agawan ng world bantamweight titles si Mexican Fernando Montiel, isang unification fight naman ang inaasahan ni Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr. para sa kanyang susunod na laban.
Sa panayam ng Boxingscene.com kahapon, sinabi ng bagong World Boxing Council (WBC) at World Boxing Organization (WBO) bantamweight champion na payag siyang sagupain si World Boxing Association (WBA) king Anselmo Moreno ng Panama.
“I will fight whoever they want to put in front of me,” sabi ng 28-anyos na si Donaire, dating naghari sa flyweight division ng International Boxing Federation (IBF) at International Boxing Organization (IBO). “I would love to fight Moreno next.”
Tinalo ni Donaire, may 26-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 18 KOs, ang 31-anyos na si Montiel (44-3-2, 34 KOs) via second-round TKO noong Linggo sa Mandalay Bay sa Las Vegas, Nevada para angkinin ang WBC at WBO bantamweight belts ng Mexican.
Nakatakda namang itaya ni Moreno (30-1-1, 10 KOs) ang kanyang WBA bantamweight crown korona kay Lorenzo Parra (31-2-1, 18 KOs) ng Venezuela sa Pebrero 26.
“I want to get back in the ring as soon as possible,” sabi ng tubong Talibon, Bohol na si Donaire na kasalukuyan pang nagpapahinga sa San Leandro, California.
Ilan rin sa mga maaaring puntiryahin ni Donaire ay ang unification fight kina Mexican-born IBO at WBC silver belt king Abner Mares (21-0-1, 13 KOs) at African two-time IBF champion Joseph Agbeko (28-2, 22 KOs) na maghaharap sa Abril 23 sa Nokia Theater sa Los Angeles, California.
Kung mananalo si Mares kay Agbeko ay posibleng maitakda ang kanilang laban ni Donaire, ayon kay Bob Arum ng Top Rank Promotions.
- Latest
- Trending