DENVER - Para isang laro, hindi kinailangan ng Denver Nuggets sina Carmelo Anthony, Chauncey Billups maging sino pa man sa kanilang mga bagong nahugot mula sa trade sa New York Knicks.
Umiskor si J.R. Smith ng 26 points para tulungan ang Denver sa 120-107 paggupo sa Memphis Grizzlies, ilang oras matapos mapanalisa ng Nuggets ang isang blockbuster deal na nagdala kina Anthony at Billups sa Knicks.
May siyam na players lamang ang Nuggets sa kanilang bench matapos ang nasabing three-team trade, at dalawa ang nawala dahil sa fouls. Hindi rin naglaro si Melvin Ely.
Sa isang 13-player swap sangkot rin ang Minnesota, nakuha ng Knicks si Anthony kasama sina Billups, Shelden Williams, Anthony Carter at Renaldo Balkman.
Ipinalit naman ng New York sina Wilson Chandler, Raymond Felton, Danilo Gallinari, Timofey Mozgov at isang 2014 first-round draft pick sa Nuggets, nakatanggap rin ng additional picks at cash.
Nahugot rin ng Denver si center Kosta Koufos mula sa Timberwolves.
Tumipa naman si Tony Allen ng 26 points para sa Grizzlies kasunod ang 21 ni O.J. Mayo.
Sa Los Angeles, umiskor si All-Star game MVP Kobe Bryant ng 20 puntos at nagdagdag si Pau Gasol ng 14 puntos at 10 rebounds at wakasan ng Lakers ang kanilang tatlong sunod na kamalasan sa paglusot ng 104-80 panalo laban sa Atlanta Hawks.
Sa iba pang laro, pinayuko ng Boston Celtics ang Golden State Warriors, 115-93; hiniya ng Miami Heat ang Sacramento Kings, 117-97; pinasadsad ng Charlotte Bobcats ang Toronto Raptor; tinalo ng Indiana Pacers ang Washington Wizards, 113-96 at pinasabog ng Houston Rockets ang Detroit Pistons, 108-100.