Aces binalasa ang Tigers

MANILA, Philippines - Kagaya ng sinabi ni coach Tim Cone, haha­ngaan ng mga Alaska fans ang kanilang import na si Larry Demetrius Williams.

Pinangunahan ng 6-foot-3 na si Williams ang maagang arangkada ng Aces sa first period patu­ngo sa kanilang 106-82 paggupo sa Powerade Tigers sa 2011 PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

Bagamat nagkaroon ng cramps sa kanyang kanang binti sa huling 1:03 ng third period, kung saan kinuha ng Alaska ang 89-60 abante, tumapos pa rin ang fourth placer sa 2010 College Slam Dunk Contest na may 21 points.

“The fans are really gonna love LD,” sabi ni Cone sa 22-anyos na si Williams, produkto ng Wake Forrest na pinagmulan ni San Antonio Spurs’ superstar Tim Duncan.

Isang left-handed slam dunk ang ginawa ni Williams mula sa pasa ni Bonbon Custodio na nagbigay sa Aces, ang 2010 PBA Fiesta Conference champions, ng isang 23-point lead, 48-25, sa 5:31 ng second period.

Isinara ng Uytengsu fran­chise ang naturang yugto bitbit ang 28-point advantage laban sa Tigers ni Bo Perasol.

Bagamat pinahinga na ni Cone si Williams sa 1:03 ng third quarter, naprotektahan pa rin ng Alaska ang kanilang lamang sa 101-75 sa huling 4:21 ng final canto matapos ang tip in ni Tony Dela Cruz laban sa Powerade.

Pinangunahan ni Cyrus Baguio ang Aces sa kanyang team-high 24 points, 14 rito ay kanyang hinugot sa first period, kasunod ang 21 ni Williams, 15 ni LA Tenorio at 14 ni Sonny Thoss.

Alaska 106 - Baguio 24, Williams 21, Tenorio 15, Thoss 14, Borboran 8, Eman 7, De Vance 6, Dela Cruz 6, Custodio 3, Bugia 2, Espiritu 0, Thiele 0, Dulay 0.

Powerade 82 - Carter 34, David 17, Antonio 8, Anthony 7, Lanete 7, Gonzales 5, Reyes R. 4, Reyes J. 0, Allera 0, Macapagal 0, Cruz 0, Espino 0.

Quarterscores: 38-16, 60-32, 91-65, 106-82.

Show comments