3 pang Pinoy nagwagi sa World 8-Ball
MANILA, Philippines - Sumama na rin si dating kampeon Ronato Alcano, Ramil Gallego at Francisco Felicilda sa mga Pinoy cue artist na umabante sa second round ng winner’s group sa idinadaos na 2011 World 8-Ball Pool Championship sa Fujairah, UAE kahapon.
Ang 2007 champion at pumangalawa naman sa 2008 na si Alcano ay kinalos si Amine Ouahbi, 7-4, sa Group 7 habang ang kababayang si Gallego ay nanalo naman kay David Plattner, 7-1, sa nasabi ring grupo.
Ang masama lamang ay isa sa kanila ang malalaglag sa loser’s bracket ng grupo dahil sina Alcano at Gallego ang maglalaban sa una sa dalawang puwesto na uusad sa main draw mula sa winner’s bracket.
Hindi naman nagpahuli si Felicilda nang manalo sa kababayang si Vicenancio Tanio, 7-3, sa Group 8.
Makakaharap niya para sa puwesto sa main draw si Ricardo Jones na tinalo si Abdulla Juma, 7-3.
Ang iba pang Filipino players na nakakaabante sa ikalawang laban sa kanilang grupo ay sina Efren “Bata” Reyes, Francisco “Django” Bustamante, Antonio Lining, Dennis Orcollo, Lee Van Corteza, Roberto Gomez at Jovel Alba.
Limang pambato naman ng bansa na naunang nalaglag sa loser’s bracket ay buhay pa nang manalo sa unang laro sa nasabing grupo.
Si Joven Bustamante na natalo kay Daryl Peach ay bumawi kay Carlos Cabello, 7-6, sa group 2.
Si Joyme Vicente na dumapa kay Lining ay nangibabaw kay Andrew Kong, 7-2, sa group 3; si Paul Ortega na bumagsak kay Jun Lin Chang ay nanalo kay Ibrahim Saeed, 7-4, sa group 4; si Jeff De Luna na talunan ni Khaled Al Mutari ay sinibak si Frailin Guanipa, 7-2, sa group 5; at si Elvis Calasang na hiniya ni Niels Feijen ay kinalos ang mahusay na si Young Hwa Jeong, 7-6.
- Latest
- Trending