MANILA, Philippines - Hindi pinalagpas ng nirerespetong The Ring Magazine ang ipinakitang bangis ni Nonito Donaire nang kanyang gamitan lamang ng isang kaliwang hook si Fernando Montiel ng Mexico para maagaw ang hawak nitong WBC at WBO bantamweight titles noong Linggo.
Sa ipinalabas na bagong pound for pound rankings ng nasabing babasahin na ikinokonsidera rin bilang bibliya ng boxing, si Donaire ay lumundag mula sa ikalimang puwesto tungo sa ikatlo para magkaroon ng dalawang Filipino boxers na nasa unang tatlong puwesto.
Ang una ay walang iba kundi ang natatanging boksingero na nanalo ng walong division titles na si Manny Pacquiao bago sumunod ang walang talo pero problemadong si Floyd Mayweather Jr.
Pinakawalan ni Donaire ang may buwelong kaliwang hook na tumama sa kanang sentido ni Montiel upang bumulagta ito at nangisay pa tanda ng lakas ng tinamong suntok.
Bagamat nakabangon pa ito ay itinigil na ang laban nang hindi na ito makadepensa matapos pakawalan ni Donaire ang kaliwat-kanang suntok para matapos ang laban sa ikalawang round.
“Donaire was so impressive, The Ring advanced him from No. 5 to No. 3 ahead of Marquez and Martinez,” wika ni Dough Fisher.
Si Montiel na dating nasa ikapitong puwesto sa talaan ay naglaho na matapos ang sinapit.
Mas mataas si Donaire kina Martinez, Marquez, Pongsaklek Wonjongkam, Wladimir Klitschko, Timothy Bradley, Juan Manuel Lopez at Giovani Segura na siyang kumumpleto sa top ten ng pound for pound.
Una rin si Donaire sa bantamweight division at nakabuntot sa kanya sina WBA champion Anselmo Moreno, Joseph Agbeko, IBF king Abner Mares at si Montiel.
Hindi naman malayong umangat pa sa number two si Donaire sa mga susunod na buwan dahil handa uma-no na tanggalin ng The Ring si Mayweather sa kanyang puwesto kung patuloy na hindi magiging aktibo sa ring dala ng patung-patong na kaso na isinampa sa kanya sa korte.