LOS ANGELES--Hindi kumulapso ang NBA West All-Stars sa huling tatlong minuto upang takasan ang East All-Stars, 148-143, dito sa Staples Center.
Pinangunahan ni LeBron James ng Miami Heat ang pagbangon ng East sa fourth quarter matapos magtala ang West ng isang 15-point lead sa likod ni All-Star Most Valuable Player Kobe Bryant ng Los Angeles Lakers.
Nakadikit ang East NBA All-Stars sa 140-142 mula sa basket ni James kasunod ang isang putback ni. L.A. La¬kers Pau Gasol para muling ilayo ang West sa 144-140.
Ang mintis na three-point shot ni Chris Bosh para sa East ang nagresulta sa dalawang freethrows ni Chris Paul sa huling 18.9 segundo upang ibigay sa West ang 146-140 bentahe.
Matapos ang timeout, isinalpak ni Boston guard Ray Allen ang isang fade away three pointer para ilapit muli ang East sa 143-146 bago ang dalawang freethrow ni Kevin Durant para selyuhan ang panalo ng West All-Stars.
Humakot si Bryant ng 37 points, 13 rito ay sa 3rd quarter, at 14 rebounds para sa West na nagbigay sa kanya ng ika-4th na Most Valuable Player trophy.
Nagbida naman para sa East All-Stars si James sa kanyang triple-double na 29 points, 12 rebounds at 10 assists, habang may 29 points si New York Knick Amare Stoudemire.