Pinas ipaglalaban ang billiards at Women's Football sa 26th SEAG
MANILA, Philippines - Ipaglalaban ng Pilipinas ang mga sports na kung saan palaban ang Pambansang manlalaro sa gaganaping 26th Southeast Asian Games sa Indonesia.
Pangungunahan ni PSC commissioner at Chief of Mission Chito Loyzaga ang Pambansang delegasyon na tutulak sa Bali, Indonesia para dumalo sa Southeast Asian Games Federation Meeting sa Pebrero 26.
Makakasama sa delegasyon na aalis sa Huwebes ay sina POC chairman Monico Puentevella, vice president Manny Lopez, sec-gen Steve Hontiveros at treasurer Julian Camacho.
Sinasabing balak ng host country na alisin ang billiards and snooker bukod pa sa women’s football sa talaan upang ipasok ang mga sports na gusto nila na bridge, paragliding, roller-saking, wall climbing at vovinam.
Sa mga sports discipline na ito, tanging ang vovinam, na Vietnamese martial arts sport, ang nilalaro na sa SEAG habang ang iba ay ipinapasok ng host country.
“Gagawin natin ang ating makakaya para hindi maalis ang mga events na ito na nauna nang isinama,” wika ni Loyzaga.
Ang Pilipinas ay nanalo ng tatlong ginto sa Laos SEAG noong 2009 at ang mga nagkampeon ay sina Ronato Alcano sa men’s 8-ball singles at Rubilen Amit sa women’s 8-ball at 9-ball singles.
Sa isang pagpupulong noong Mayo, 2010 ay naipasa na ang 44 sports disciplines para laruin sa 26th edisyon na gagawin sa Palembang at Jakarta.
Kasama sa mga aprubado na ay ang mga sports na ipinapasok ng Indonesia pero nagbago ang ihip ng hangin dahil nais ng host na bawasan ang sports at events para makatipid sa gastusin.
Bago magtanggal o magpasok ng isang sports o events nito ay dapat katigan ito ng apat sa 10 bansang kalahok at nananalig ang Pilipinas na makakasama nila sa pagpigil sa plano ng host ang mga bansang Malaysia, Thailand at Vietnam na may mahuhusay na manlalaro sa billiards at women’s football.
Bukod sa pagpapanatili sa dalawang sports na ito ay sisikapin din ng Pambansang delegasyon na maipasok uli ang arnis na nilaro sa Manila SEAG noong 2005.
- Latest
- Trending