Martinez binugbog ni Melligen
MANILA, Philippines - Patuloy ang pag-ani ng atensyon ni Mark Jason Melligen nang manalo ito kay Gabriel Martinez sa undercard ng Donaire-Montiel sa Mandalay Bay Resort sa Las Vegas, Nevada.
Hindi nakaporma ang Mexicanong si Martinez dahil kontrolado ni Melligen ang kabuuan ng 10 round na sagupaan tungo sa unanimous decision.
Ang tatlong huradong kinuha ay kumbinsido sa ipinakitang husay ng 24-anyos na dating amateur boxing upang ibigay ang 99-91, 99-91 at 98-92 panalo.
Sa ikapitong round nga ay muntik nang tumumba si Martinez nang masapol ng right hook sa panga pero nagawang isalba ng Mexican boxer ang sarili upang maalpasan ang round.
Ang tagumpay na ito ni Melligen na nagsasanay sa gym na pag-aari ni Floyd Mayweather Jr. ay kanyang ika-21 sa 23 laban. Ito rin ang ikalimang sunod na panalo ng 5’7 tubong Bacolod City pero ngayon ay namamalagi sa Los Angeles, matapos lumasap ng split decision na kabiguan sa kamay ni Michel Rosales noong 2009.
Nalasap naman ng 23-anyos na si Martinez ang ikalawang kabiguan sa 31 laban at nanatili siyang naghahanap ng panalo kapag ang laban ay ginaganap sa US.
- Latest
- Trending