MANILA, Philippines – Patunayang isa nga siya sa mga dapat tingalain sa laro ng boxing ang nais na gawin ni Nonito Donaire Jr. sa pagharap nito ngayon laban kay WBC/WBO bantamweight champion Fernando Montiel ng Mexico sa Mandalay Bay Resort sa Las Vegas.
Marami ang nagsasabing hindi matatapos ang 12-rounds at may matutulog sa dalawa dahil parehong may taglay na pamatay na suntok sina Donaire at Montiel.
Idedepensa ng Mexican champion ang kanyang kampeonato sa WBC at WBO bantamweight perokahit siya ang kampeon ay nalalagay naman na dehado sa odds dahil si Donaire ay nasa ikaapat na puwesto sa talaan ng pound for pound ng nirerespetong Ring Magazine.
Maliban ito sa katotohanang umukit na ng knockout wins si Donaire sa dating sinabing matibay ring mga boxers tulad nina Vic Darchinyan at Vladimir Sidorenko.
Si Darchinyan ay natulog sa ikalimang round noong 2007 para kunin ang IBF flyweight title habang si Sidorenko ay natapos sa ikaapat na round sa huling laban ni Donaire noong Disyembre.
“I know a lot of people have said I belong in the pound for pound top five and I should think that way,” wika ni Donaire na mayroong 25-1 panalo-talo karta kasama ang 17 KOs.
Mas beterano naman si Montiel kung laban ang pag-uusapan dahil may 44 panalo sa 48 laban ito kasama ang 34 KOs.
Walang naging problema sa timbang ng dalawang boksingero dahil sa weigh-in na ginanap kahapon ay parehong tumimbang sa eksaktong 118-pounds sina Donaire at Montiel.
Handog ng Top Rank, magpapakitang-gilas din ang isa pang Filipino boxer na si Mark Jason Melligen na sasagupain si Gabriel Martinez ng Mexico.
Ten rounder ang sagupaan sa welterweight division at itataya ni Melligen ang apat na sunod na panalo na naglalagay sa kanya bilang posibleng title contender sa dibisyon.
Ang mga labang ito ay mapapanood ng live sa ABS-CBN mula alas-10 ng umaga.