Sanay sa pressure
Nakaliskisan kaagad ang Meralco Bolts ng crowd-favorite Barangay Ginebra kahapon sa unang game ng PBA Commissioners Cup na ginanap sa Laoag City.
Hindi natin alam ang naging resulta ng larong iyon dahil maaga pa lamang ay isinusulat na natin ang pitak na ito. Pero kung ipagkukumpara ang developments na nangyari sa magkabilang koponan bago nagsimula ang ikalawang conference ng PBA, makikitang naging sobrang busy ang Bolts.
Biruin mong lima ang bagong manlalarong nasungkit ng Bolts sa pagitan ng dalawang conferences.
Nakuha nila si Ren-ren Ritualo buhat sa Powerade matapos na ilaglag ito sa free agent list. Nasungkit nito si Solomon Mercado buhat sa Rain or Shine Elasto Painters, si Eric Rodriguez buhat sa Air21 Express, Nagbalik si Marlou Aquino nang hindi ito kunin ng ibang teams a dispersal draft. At noon lang Martes ay nakuha nila si Reynell Hugnatan buhat sa Alaska Milk.
Hindi basta-basta ang mga players na ito. Kumbaga’y all out ang Meralco Bolts na magpalakas nang husto at nakuha ni coach Paul Ryan Gregorio ang “green light” buhat sa management na gawin ito.
At nandoon pa rin naman ang mga dating inaasahang tulad nina Mark Cardona, Paul Asi Taulava, Nelbert Omolon, Chris Ross at Mark Isip.
Ani Gregorio, hindi niya tinitingnan ang “future” dahil ang mas mahalaga ay ang kasalukuyan. Kumbaga’y gusto kaagad ng pamunuan ng positibong resulta.
So, sa pagpapalakas na nangyari sa Meralco bago nagsimula ang Commissioners Cup ay siguradong bumigat ang pressure sa balikat ni Gregorio.
Kasi nga’y higit na mas malakas ang kasalukuyang line-up kaysa sa talaan ng kanyang mga manlalaro sa simula ng season.
E, hindi nga ba’t naungusan ng Meralco ang Barangay Ginebra, 73-72 sa opening game ng season noong Oktubre 3. So, inaasahan ng management na makakaulit ang Bolts sa Gin Kings sa mas convincing na paraan. Ewan natin kung nagawa nga iyon ng Meralco kagabi.
Mabigat nga ba ang pressure sa balikat ni Gregorio dahil sa paglakas ng kanyang team?
“Kahit naman mahina ang team, may pressure pa rin. Whenever you enter a game or a tournament or a season, there’s always pressure. Sanay na tayo diyan,” ani Gregorio. “Kaya naman mas maganda yung may pressure ka at the same time malakas ang team mo. Pareho din naman, e.”
Sinasabing ang magiging susi sa tagumpay ng bawat teams sa Commissioners Cup ay ang import. At tila dito’y nakakalamang din ang Meralco dahil nga sa matindi si Anthony Dandridge na siyang slam dunk champion ng NCAA dalawang taon na ang nakalilipas.
Pero hindi naman basehan ang pagiging slam dunk champion para sabihing mahusay si Dandridge. Mataas lang siyang tumalon. Iyon ang sigurado. Pero kailangang patunayan niya na bukod sa pagtalon ay may angkin siyang husay sa iba’t ibang departments ng laro.
Kaya nga habang pinatutunayan niya ito, si Greorio ay sasandig kina Cardona at Mercado na itinuturing na pinakamatinding backcourt combination sa kasalukuyan.
Sila ang bubuhat sa Bolts.
- Latest
- Trending