MANILA, Philippines - Huwag mapahiya sa sariling tahanan ang isa sa magtutulak sa Philippine Patriots upang ilabas ang pinakamabangis na paglalaro sa pagharap uli sa Chang Thailand Slammers ngayon sa Game Two ng AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) Season II sa Philsports Arena sa Pasig City.
Ganap na alas-4 ng hapon itinakda ang laban at sisikapin ng Patriots na makuha ang mahalagang panalo upang manatili ring buhay ang hangaring maidepensa pa ang hawak na titulo sa regional basketball league.
“Our tradition is at stake here. We have to play with lots of passion,” wika ni coach Louie Alas.
Nakauna ang Slammers, 66-58, nang kunin ang Game One na nilaro sa Bangkok noong nakaraang Linggo.
Sa pangunguna ni Jason Dixon at mga local players na sina Filipino imports Froilan Baguion at Ardy Larong ay nakahulagpos ang Slammers sa Patriots ng mas mainit ang larong ipinakita nila sa huling yugto.
Kampante si Alas na matatapatan nina Steve Thomas at Gabe Freeman ang produksyon nina Dixon at Chris Kuete kaya’t ang hamon ay nakaumang sa mga locals tulad nina Ernesto Billones, Jun Jun Cabatu at Benedict Fernandez na malamya ang ipinakita sa labanan.
Si Billones na kamador ng Patriots ay nagtala lamang ng pitong puntos habang ang kilalang scorers na sina Cabatu at Fernandez ay hindi nakaiskor sa 40-minutong labanan.
“Pagkakataon nilang bumawi ngayon at ipakitang karapat-dapat sila na masama sa Patriots,” dagdag pa ni Alas.
Maliban sa paglatag ng matibay na depensa bukod sa pagkakaroon ng magandang shooting, maitataas pa ng Patriots ang moral kung masusuportahan ng mga manonood.
“I still believe we have the best local players in this league. I just hope the Filipino basketball fans will come out and cheer the Patriots,” pahayag naman ni Mikee Romero na kasama si Tony Boy Cojuangco ang co-owners ng koponan.
Kung manalo ay maitatakda ang deciding Game Three na gagawin sa Bangkok sa Pebrero 27.