HOLLYWOOD--Alam ni Shane Mosley na mas mahusay siya kesa sa lumalabas na mga fights odds.
Isang 7-to-1 underdog, patutunayan ng three-division world champion na mali ang mga oddsmakers sa kanyang pakikipagharap kay Manny Pacquiao sa Mayo 7.
Sa susunod na dalawang linggo, sisimulan na ni Mosley ang paghahanda para sa kanilang banggaan ni Pacquiao sa inaasahang sellout crowd sa MGM Grand. Sinabi niyang walong linggo siyang magsasanay sa Big Bear sa California.
Inaasahan rin ni Mosley na papabor sa kanya ng kaunti ang odds o mga oddsmakers.
“It should be somewhere near even,” sabi ni Mosley, nakitang pipilay-pilay sa isang binti, sa nakaraang press tour na sumakop sa apat na key cities sa loob ng anim na araw.
Ngunit ang kanyang edad, magiging 40-anyos siya sa Setyembre, ang nagbagsak sa kanya sa betting lines, o ang kanyang pagkatalo kay Floyd Mayweather, Jr. at draw kay Sergio Mora sa kanyang nakaraang dalawang laban.
Maaari ring ang hindi niya paglaban sa nakaraang walong buwan.
Si Pacquiao, sa kabilang banda, ay lalo pang gumagaling kung saan hindi pa siya natatalo sa nakaraang limang taon.
Ngunit kumpiyansa pa rin si Mosley na siya ang mananalo.
Kahapon, si Mosley ay +425 underdog at si Pacquiao ay isang -625 favorite, nangangahulungang kailangan mo ng $625 para manalo ng hundred bucks. Para kay Mosley, ang $100 ay mananalo ng $425.
“But I’m not a betting man. I don’t like to bet,” wika niya.
“I’m going to make sure I won’t be in the losing end of that stick,” dagdag pa nito.