Patriots kailangang kumayod ng todo
MANILA, Philippines - Kailangang kakitaan ng mental toughness ang Philippine Patriots kung nais nilang mapanatiling buhay ang hangaring maidepensa ang titulo sa AirAsia ASEAN Basketball League (ABL).
Natalo ang Patriots sa Game One sa best-of- three finals series nila ng Chang Thailand Slammers noong nakaraang Linggo, 66-58, kaya’t nalalagay sa dalawang must-win games ang koponan para mapanatili ang titulo sa bansa.
“Nag-self destruct tayo sa fourth period. Lumamang tayo sa isang parte sa third at magkatabla papasok sa last quarter pero bumigay tayo dahil nagmadali tayo nang nakalamang sila ng pito,” wika ni coach Louie Alas.
Dahil ang koponan ang may kasalanan sa pagkatalong nalasap kaya’t walang malaking pagbabago sa game plan nila papasok sa Game Two na gagawin bukas sa Philsports Arena sa Pasig City.
“Ang kailangan lamang namin ay focus mula sa simula hanggang matapos ang laro,” dagdag pa ni Alas.
Maging si Dr. Mikee Romero na kasama ni Tony Boy Cojuangco ang team owners ng Patriots ay nananalig na babangon ang Patriots sa laro sa homecourt.
“Nawala ang toughness natin sa fourth period at ito ang malaking bagay na nakaapekto sa atin sa game one,” wika ni Romero.
“I believe that we still have a good chance of turning the tide in our favor. But we need the support of our ‘kababayans’ to boost the morale of our players,” dagdag pa ni Romero.
Sina Steve Thomas at Gabe Freeman ang ma-ngunguna sa koponan pero aasa rin ang koponan sa pagbabalik ng tikas sa paglalaro nina Ernesto Billones, Benedict Fernandez at Jun Cabatu na hindi naramdaman sa Game One.
- Latest
- Trending