Hugnatan dinala ng Aces sa Bolts
MANILA, Philippines - Dalawang Bolts ng Meralco ang nasambot ng Alaska bilang kapalit ni Aces’ power forward Reynel Hugnatan.
Para makuha ang 6-foot-4 na si Hugnatan para sa kanilang tsansa sa 2010-2011 PBA Commissioner’s Cup, dinala ng Meralco sa Alaska sina 6’4 rookie Hans Thiele at 6’6 center Paolo Bugia.
Nauna nang hinugot ng Bolts ni coach Ryan Gregorio ang dating sentro ng Meralco na si 6’8 Marlou Aquino, hindi nakuha sa dispersal draft ng nagbakasyong Barako Bull.
Si Hugnatan ay hindi masyadong nakalaro para sa Alaska sa nakaraang 2010-2011 PBA Philippine Cup bunga ng kanyang knee injury, habang umagaw naman ng eksena si Thiele para sa Meralco.
Ang Meralco at Barangay Ginebra ang itatampok sa pagbubukas ng 2010-2011 PBA Commissioner’s Cup sa Pebrero 18 sa Laoag City.
Samantala, si Paul Harris na ang sinasabi ni coach Chot Reyes na magiging pinakamagaling na import sa depensa sa 2010-2011 PBA Commissioner’s Cup.
“He may be the best defensive import we might see to have played here,” sabi ni Reyes sa nasabing Syracuse stalwart na ibabandera ng Talk ‘N Text, nagkampeon sa nakaraang 2010-2011 PBA Philippine Cup, sa import-laced tournament na sisimulan sa Pebrero 18 sa Laoag City.
Makakatuwang ng 6-foot-3 na si Harris sa Tropang Texters sina Jimmy Alapag, Jason Castro, Ryan Reyes, Ranidel de Ocampo, Kelly Williams, Larry Fonacier, Jared Dilinger, Harvey Carey at Ali Peek.
Isang ‘inside player’ naman sa katauhan ni Nathan Brumfield ang ibabandera ng Barangay Ginebra, kaagad na makakaharap ang Meralco sa Pebrero 18.
Itatampok ng Bolts bilang reinforcement si 2009 U.S. NCAA Slamdunk champion Anthony Dandridge ng University of Mexico.
- Latest
- Trending