Gregorio umaasang makakasundo ni Ramos ang bagong import
MANILA, Philippines - Matapos pauwiin si Jajuan Smith, titingnan naman ng Air21 si Alpha Bangura para iparada sa nalalapit na 2010-2011 Philippine Basketball Association (PBA) Commissioner’s Cup.
Binitawan ng Express si Smith dahilan sa pagiging pinakamaliit na import para sa naturang torneo bukod pa sa pagbagsak sa drug testing requirement ng Games and Amusements Board (GAB).
“Alpha is more of a leader-type of player and plays all-around basketball which what our needs from an import,” wika kahapon ni Air21 team manager Allan Gregorio kay Bangura ng University of Tennessee.
Ang 31-anyos na si Bangura ay naging isang ‘naturalized player’ ng Libyan national basketball team at naglaro bilang import para sa Annibal Club sa Lebanon.
Kumampanya siya para sa Fayetteville Lowgators sa Developmental League ng National Basketball Association kung saan siya nagtumpok ng mga averages na 9.0 points at 2.8 rebounds noong nakaraang season.
Si Bangura ay inaasahang darating sa bansa bukas.
Umaasa si Gregorio na makakasundo ni balik-coach Bong Ramos, pumalit kay Yeng Guiao na lumipat sa Rain or Shine, si Bangura.
Sinasabing nakasagutan ng 6-foot-1 na si Smith si Ramos sa tune-up game ng Express laban sa Alaska Aces noong nakaraang linggo. Sa kanila namang tune-up match kontra Derby Ace, nalimitahan si Smith sa 11 points sa kanilang 89-109 kabiguan sa Llamados.
Si Smith ang ikatlong import na napauwi matapos sina Titus Ivory ng Powerade at Eddie Basden ng Alaska.
- Latest
- Trending