Game 1 kukunin ng Patriots

MANILA, Philippines –    Agawan sa mahalagang 1-0 kalamangan ang matutunghayan sa pagitan ng Philippine Pa­triots at host Chang Tha­iland Slammers sa pag­bubukas ng AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) Season II ngayon sa Bangkok, Thai­­land.

Nais ng Patriots na maging kauna-unahang koponan sa regional basketball league na ito na madomina ang unang dala­wang edisyon pero ang pa­kay ay tiyak na dadaan sa butas ng karayom dahil ang Slammers ay determinadong pigilan sila.

Sa pamamagitan ng dating Patriots import na si Jason Dixon, ipinaramdam na ng Slammers ang kahandaan na agawin ang titulo sa kampeon nang do­minahin nila ang dala­wa sa tatlong pagkikita sa eliminasyon para lagyan ng tuldok ang pagiging number one sa regular season.

Aminado si coach Louie Alas na balikatan ang best- of-three series pero hindi naman siya nawawalan ng kumpiyansa sa bataan lalo nga’t nakikitaan na niya ng ibang antas ng paglalaro ang Patriots.

“Iba na ang level ng kanilang paglalaro at nakita ko ito sa semifinals nang na-sweep namin ang KL Dra­gons. Nanalo na rin tayo sa Bangkok kaya’t walang dahilan kung bakit hindi natin makakaya na manalo pa rito,” ani Alas.

Mangunguna sa ko­p­onang pag-aari nina Dr. Mi­kee Romero at Tony Boy Cojuangco ang mga imports na sina Steve Tho­mas at Gabe Freeman pero para kay Alas, susi sa asam na tagumpay ay ang ilalaro ng mga locals.

Ang dahilan, mahu­hu­say din ang imports ng Slammers dahil si Dixon ay makakaagapay ni Chris Kuete na dati ay naglaro sa Dragons.

Ang mananalo sa larong ito na itinakda ganap na alas-4 ng hapon ay mag­kakaroon ng oportunidad na mabitbit ang titulo sa Game Two sa Pebrero 19 sa Philsports Arena sa Pasig City.

Ang Game three kung kakailanganin ay babalik sa Bangkok sa Peb. 27.

Show comments