Bukol sa kanang kamay ni Pacman: Walang dapat ikabahala!

MANILA, Philippines –  Walang dapat ikabahala ang mga panatiko ng Pambansang kamao na si Manny Pacquiao matapos makitaan ng malaking bukol sa kanang kamay nito.

Malinaw sa mga lara­wang lumabas nang magpormahan sina Pacquiao at Shane Mosley sa unang Press Tour sa Beverly Hills Hotel ang malaking bukol sa kanang pulsuhan nito.

Pero nilinaw ni Michael Koncz na walang epekto ito sa magaganap na laban ni Pacquiao sa Mayo 7 sa MGM Grand sa Las Vegas dahil nasuri na ito ng doktor noon pa man.

“It’s really nothing new. We’ve had it checked out by doctors,” wika ni Koncz.

Idinagdag pa nito na wala ring nararamdamang pananakit si Pacquiao sa nasabing bukol kaya hindi ito dapat ipag-alala ng mga tagahanga nito.

“It’s not a cyst, but it’s like a cyst. Manny has no pain associated with it.   It’s been there before and there are no side effects to it,” dagdag pa ng adviser ng pound for pound champion.

Ang bukol ay dahil sa mga mabibigat na suntok na pinakawalan ni Pacquiao nang hinarap ang mga mas malalaking sina Joshua Clottey at Antonio Margarito noong nakaraang taon na kung saan ang dalawa ay natalo sa pa­mamagitan ng unanimous decision dala ng ma­larapidong suntok ng kasalukuyang Kongresista ng Sarangani Province.

Ang sagupaan sa Mayo 7 ay para sa WBO welterweight title ni Pacquiao at lalo ngang tataas ang pananabik ng mga mahihilig sa boxing dahil ilalabas na ang tatlo sa apat na documentary series na isinagawa ng Showtime na siyang magsasa-ere sa nasabing laban.

Tinaguriang “Fight Camp 360 degress: Pacquiao vs Mosley”, ang unang serye ay ipalalabas sa Abril 2 habang ang ikalawa at ikatlong bahagi ay mapapanood sa Abril 23.

Show comments