MANILA, Philippines – Hindi lamang ang mga Pambansang atleta kundi pati ang mga batang mag-aaral na kikinang sa Palarong Pambansa ang makakatanggap ng insentibo mula sa pamahalaan.
Sa House Bill No.3164 na isinusulong ni Negros Occidental Representative Alfredo “Albee” Benitez, nais niyang bigyan ng gantimpalang P10,000, P5,000 at P3,000 ang mga manlalarong mananalo ng ginto, pilak at bronze medals sa Palaro.
Hindi lamang sa mga individual events ito ibibigay kundi kasama rin ang mga mananalo ng medalya sa team events.
Ang bill na ito ay kilala rin bilang Revitalizing The Palarong Pambansa at ang iba pang author nito ay sina Sarangani Congressman at Pambansang kamao Manny Pacquiao at Mark Zambar ng Partido ng Bayaning Atleta Party List.
Nais din ng Bill na ito na limitahan ang kompetisyon sa 20 sa high school at 16 sa elementary division at karamihan sa mga ilalaro ay mga Olympic sports.
Ang mga gustong laruin sa high school ay ang archery, arnis, athletics, badminton, baseball, basketball, boxing, chess, cheerdance, dancesports, football, artistic at rhytmic gymnastics, sepak takraw, softball, swimming, table tennis, taekwondo, tennis at volleyball habang athletics, badminton, baseball, basketball, boxing, chess, football, artistic and rhytmic gymnastics, sepak takraw, softball, swimming, table tennis, taekwondo, tennis at volleyball sa elementary division.
Ang Palarong Pambansa ang pinakamalaking kompetisyon na nilalahukan ng mga mag-aaral na atleta at sa taong ito, ang aksyon ay gagawin sa Dapitan City sa Zamboanga del Norte mula Mayo 8 hanggang 14.