BEVERLY HILLS - Ang mga fan na umasang makikita si Manny Pacquiao sa LAX ay umuwing mga luhaan.
Ang Filipino pound-for-pound champion, sisimulan ang isang four-six, six-day press tour para sa kanilang laban ni Sugar Shane Mosley, ay gumawa ng ‘Houdini act’ matapos tulungan ng mga airport authorities na makaalpas ng airport na hindi nalalaman ng mga fan.
Nakasama ni Pacquiao ang kanyang asawang si Jinkee at anim pang miyembro ng kanyang grupo mula sa isang 12-hour trip galing Manila.
Ito ang unang pagkakataon na hindi nasilayan ng mga fan si Pacquiao sa arrival area ng LAX.
Maging sina Top Rank spinners Lee Samuels at Richard Jimenez ay nagtaka sa biglaang pagtakas ni Pacquiao sa mga fan at sa isang CBS crew na kukuha sana ng kanyang footages.
“It was the first time he did that. But it doesn’t matter. The press tour doesn’t start until tomorrow,” sabi ni Wild Card security officer Rob Peters.
Magsisimula ang press tour bukas sa Beverly Hills Hotel bago dalhin si Pacquiao at ang kanyang exclusive entourage ng isang private plane sa Las Vegas para sa Feb. 12 press conference sa MGM Grand.
Sina Pacquiao at Mosley ay bibisita sa Chelsea Pier sa New York sa Valentine’s Day bago bumiyahe ang Filipino congressman ng isang three-hour train ride sa Washington para sa isang planned visit sa White House.
Mula sa airport, dinala si Pacquiao sa kanyang mansion sa Larchmont Park.
Sa kanyang $2 million residence ay hindi na napigilan ang kanyang mga LA-based friends sa pagsalubong kay Pacquiao.
Dumalaw rin si Alex Ariza, ang strength and conditioning coach na sinasabing may sigalot sa ilang miyembro ng Team Pacquiao, ngunit kaagad ring umalis.