MANILA, Philippines - Para kay Chieffy Caligdong, ang laro niya sa Mongolia ay hindi na niya makakalimutan sa kanyang football career.
Si Caligdong na tubong Barotac, Nuevo, Iloilo ang siyang bumasag sa iskoring sa laban ng dalawang bansa nitong Miyerkules ng gabi sa Panaad Stadium sa Bacolod City.
Naipasok ni Caligdong ang bola sa kaliwang bahagi sa 42nd minute upang mabigyan agad ng kalamangan ang host team sa pagbubukas ng AFC Challenge Cup qualifiers. Natapos ang laban at nanalo ang Pilipinas sa 2-0 iskor.
“Ito na ang best goal ko sa anim na taon ko sa national team,” wika ni Caligdong na kasapi ng Philippine Air Force.
Kahit si Azkals coach Hans Michael Weiss ay hindi napigil ang paghanga sa ginawa ni Caligdong upang mailapit ng men’s team ang isang paa sa mithiing pag-usad sa Group elimination.
“Chieffy hada fantastic match and for me, he was the man of the match,” wika ni Weiss.
Isa lamang si Caligdong sa walong homegrown player ng Azkals at inihayag din niya ang kahandaan na tulungan ang koponan sa ikalawang laro sa Mongolia sa Marso 15.
“Gagawin namin ang makakaya sa Mongolia, kung ano ang ipinakita na-min dito, yan din ang ipapakita namin sa Mongolia,” wika pa ni Caligdong.
Mas mabangis na Azkals ang inihayag ni Weiss na makikita sa Mongolia kaya’t kahit siya ay kumbinsido mananalo pa rin sa labanan ang koponan.