Presidential Achievement Award sa Azkals
MANILA, Philippines - Bagamat hindi nakapasok sa finals ng nakaraang 2010 ASEAN Football Federation (AFF) Suzuki Cup, hindi naman mababalewala ang pinaghirapan ng Philippine football team na Azkals.
Gagawaran ang Azkals ng Presidential Achievement Award sa Marso 5 sa Manila Hotel para sa Philippine Sportswriters Association (PSA)-Coca Cola Annual Awards Night.
Makakasama ng Azkals si team manager Dan Stephen Palami, ang presidente ng Leyte Football Association at bumuo sa football team, sa pagtanggap ng naturang karangalan mula sa pinakamatandang media organization sa bansa para sa special night na suportado ng Philippine Sports Commission (PSC), Philippine Amusements and Gaming Corporation (PAGCOR), Harbour Centre, Nihao Mineral Resources International Inc. at Accel.
Nakapasok ang Azkals sa tournament proper ng Suzuki Cup matapos kunin ang second place sa ilalim ng host Laos sa qualifying meet.
- Latest
- Trending