MANILA, Philippines - Sa 18-man dispersal pool, tanging sina Lordy Tugade at Pong Escobal lamang ang nahugot mula sa Barako Bull sa idinaos na dispersal draft kahapon sa PBA Office sa Libis, Quezon City.
Ang 33-anyos na si Tugade ay muling kinuha ng San Miguel, samantalang hinugot naman ng Derby Ace ang dating kamador ng San Beda Red Lions sa NCAA na si Escobal.
Sa pagbabakasyon ng Barako Bull, ang Smart Gilas ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP), pinamumunuan ni Talk ‘N Text at Meralco team owner Manny V. Pangilinan bilang pangulo, ang papalit sa Photokina franchise para sa darating na 2010-2011 PBA Commissioner’s Cup na nakatakda sa Pebrero 18.
Si Tugade, produkto ng National University sa UAAP, ay pinili ng Beermen bilang No. 8 pick sa nasabing dispersal draft matapos ang No. 6 na si Escobal na maglalaro sa Llamados bilang pang lima niyang PBA team sa loob ng tatlong taon.
Bago ang Derby Ace, naglaro na ang 5-foot-11 guard na si Escobal para sa Talk ‘N Text, Sta. Lucia, Meralco at Barako Bull.
Ang 6’3 na si Tugade ay naging bahagi ng Red Bull ni coach Yeng Guiao sa paghahari sa PBA 2001 at 2002 Commissioner’s Cup at 2005-06 Fiesta Conference bago dinala sa San Miguel noong 2006-07 season kapalit ni Romel Adducul.
Kabilang sa mga hindi napili sa dispersal draft ay sina Marlou Aquino, Rob Wainright, Dennis Daa, Ken Bono, Aries Dimaunahan, Chad Alonzo, Borgie Hermida, Paolo Hubalde, Jojo Duncil, Richard Yee, Jim Viray, Khazim Mirza, Mark Andaya, Jason Misolas at Chris Canta.
Hindi naman kumuha sa dispersal draft ang 2010-2011 Philippine Cup champions Talk ‘N Text, Barangay Ginebra, Alaska, Rain or Shine, Meralco, Air21 at Powerade.
Ang mga Energy Boosters na hindi nakuha sa dispersal draft ay makakakuha ng kanilang lump sum matapos madetermina ang babayaran ng huli sa PBA, ayon kay Commisisoner Chito Salud.
Samantala, magdedesisyon naman ngayong araw ang PBA Board kung ililipat ang pagsasaere ng mga darating na PBA Commissioner’s Cup at Governors Cup sa Studio 23 mula sa SolarTV Channel 9.
Balak ng SolarTV na maging co-producer ng Studio 23 sa pagpapalabas ng mga aksyon sa liga.