MANILA, Philippines - Matibay ang paniniwala ni Nonito Donaire, Jr. na magiging makinang ang taong 2011 sa kanyang boxing career.
“It’s now 2011 and it’s my turn to shine,” wika ni Donaire na magtatangkang agawin ang WBC at WBO bantamweight title ni Fernando Montiel sa Pebrero 19 sa Mandalay Bay Resort and Casino sa Las Vegas, Nevada.
Masidhi ang paghahangad ni Donaire na makuha ang titulo matapos dominahin si Vic Darchinyan noong 2007 para sa IBF flyweight title.
May 25 panalo sa 26 laban at 17 knockouts, papasok si Donaire mula sa mga laban kontra sa mga mahuhusay na katunggali na sina Rafael Concepcion, Manuel Vargas, Hernan Marquez at Volodymyr Sydorenko.
Sa apat na ito, tanging si Concepcion lamang ang nakalusot sa knockout punch ni Donaire at sa laban niya kay Sydorenko na natapos sa apat na rounds lamang ay nakuha rin ng “Filipino Flash” ang bakanteng WBC Continental Americas bantamweight title.
Masinsinang pagsasanay ang ginagawa ngayon ni Donaire sa kanyang training camp sa California, USA bilang paghahanda kay Montiel.