MANILA, Philippines – Papasok ang Philippine Olympic Committee (POC) upang matiyak na hindi mapapabayaan ang Pambansang siklista na kakampanya sa 26th Southeast Asian Games sa Indonesia sa Nobyembre.
Suportado ni POC president Jose Cojuangco Jr. ang ginawang pag-aalis ng suweldo ng siklista at coaches na ipinatala ng PhilCycling dahil nais nilang makita na maayos na ang problema sa liderato sa cycling na nagsimula noon pang 2009.
“These leaders should sit down and find a solution to the problem. The POC supports the decision made by the PSC,” wika ni Cojuangco.
May 16 siklista at apat na coaches ang nawalan ng suportang pinansyal sa PSC mula ngayong buwan at kamakalawa ay umapela ang mga ito kasama ni PhilCycling president at Tagaytay City Mayor Abraham Tolentino.
Si Tolentino ay kinikilala ng international body UCI habang ang Integrated Cycling Federation of the Philippines (ICFP) na ngayon ay hawak ni dating PSC chairman Philip Ella Juico ay may basbas ng POC.
Alam naman ni Cojuangco na hindi dapat maipit ang mga siklista na ang hangad ay sumali lamang sa torneo at magbigay ng karangalan sa bansa.
Dahil dito, aampunin ng POC ang mga siklistang mapipili ng binuong SEA Games working committee mula sa irerekomenda ng dalawang grupo.
Handa naman ang PSC sa pamumuno ni chairman Ricardo Garcia na magbigay ng allowances bukod pa sa ibang pangangailangan upang matiyak na magiging palaban ang mga ito sa Indonesia.
“Inalis namin ang allowances di dahil ayaw namin sa mga siklista kungdi gusto lamang naming matiyak na ang perang gugugulin ay mapupunta sa maayos. Paano kami makakatiyak na may SEA Games team kung dalawang grupo ang kumakatawan sa cycling. Ngayon sila na ang makikipag-usap sa POC at kung sino ang mga siklistang papangalanan ay siyang susuportahan ng PSC,” wika ni Garcia.
Dahil sa problema sa liderato ay hindi nakasali ang Pilipinas sa cycling sa Laos SEA Games.