Loyzaga, Dr. Sim itinalagang co-chief of mission sa 26th Indonesia sea games
MANILA, Philippines – Pinangalanan kahapon ng Philippine Olympic Committee (POC) sina Canoe/Kayak president Dr. Sim Chi Tat at Philippine Sports Commission (PSC) commissioner Chito Loyzaga bilang co-Chief of Mission ng pambansang koponan para sa 26th Southeast Asian Games sa Nobyembre.
Binanggit din sa pagpupulong na pinangunahan ni POC president Jose Cojuangco Jr. sina PSC commissioner Akiko Thomson Guevarra, POC officials Manny Lopez at Jeff Tamayo bilang mga kasapi ng working committee na makakatulong nina Dr. Sim at Loyzaga.
Ito ang ikalawang sunod na pagkakataon na magkakaroon ng papel si Loyzaga sa babalangkasing pambansang koponan na maglalayong higitan ang fifth place na pagtatapos sa idinaos na Laos SEA Games.
Si Loyzaga ay co-chairman sa Asian Games at Asian Beach Games committees na lumahok sa Guangzhou, China at Muskat, Oman noong nakaraang taon.
“Ang paglalagay ng guidelines ay gagawin matapos ang SEA Games Federation meeting sa Indonesia sa last week ng February at ako ay dadalo roon. Matapos nito ay malalaman na natin ang sports at events na lalaruin at mula rito ay makakabuo na tayo ng criteria para sa ating manlalaro,” wika ni Loyzaga.
Ngunit kikilos na rin ang PSC dahil sa gagawing one-on-one meeting ng komisyon sa mga NSAs sa susunod na linggo ay aalamin na rin ni Loyzaga sa iba’t ibang asosasyon na maglalaro sa Indonesia kung sino ang posibleng panlaban sa tuwing kada dalawang taong torneo.
Kinailangang magnomina ng dalawang CDM dahil ang SEA Games ay gagawin sa dalawang magkahiwalay na lugar sa Jakarta at Palembang.
Ang working committee ang siyang susuri sa atletang karapat-dapat na maging kasapi ng pambansang koponan bukod pa sa pagsuri sa kanilang gagawing pagsasanay.
- Latest
- Trending