MANILA, Philippines - Nagsanib sa 60 puntos ang mga Filipino imports na sina Leo Avenido at Al Vergara para igiya ang Singapore Slingers sa 90-76 panalo sa Chang Thailand Slammers sa Game Two ng AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) semifinals nitong Martes sa Singapore Indoor Arena.
May 31 puntos si Avenido habang 29 naman ang ibinigay ni Vergara at siya ang kumamada nang husto nang lumayo ang Slingers sa Slammers para itabla ang kanilang best-of- three series sa 1-1 karta.
Sa ikatlong yugto nagbaga ang kamay ni Vergara nang maghatid ito ng 13 puntos upang mapagningas ang 22-10 bomba para ilayo sa 62-45 ang home team sa bisita papasok sa huling yugto.
Si Kyle Jeffers ay mayroong 13 puntos, 20 rebounds, 4 assists at 5 steals habang 13 puntos din ang ibinigay ni Marcus Skinner.
May double-double na 19 puntos at 14 boards si Jason Dixon pero 12 puntos lamang ang ibinigay ng kapartner na si Chris Kuete na ininda ng Slammers.
Babalik naman sa Thailand ang deciding Game Three sa Pebrero 6 na kung saan ang mananalo sa larong ito ang makakaharap ng nagdedepensang Philippine Patriots sa best- of-three finals na sisimulan sa Pebrero 13.