MANILA, Philippines - Sa kanyang pag-upo bilang bagong chairman ng Philippine Sports Commission (PSC), nangako si Richie Garcia na solidong suporta ang kanyang ibibigay sa mga national athletes.
Ngunit kahapon sa lingguhang PSA sports forum sa Shakey’s sa U.N. Avenue, Manila, hiniling ni Integrated Cycling Federation of the Philippines (ICFP) president Bambol Tolentino kay Garcia na huwag idamay ang kanyang mga atleta sa kasalukuyang agawan nila sa liderato ni Philippine Integrated Cycling Federation (PhilCycling) chief Philip Ella Juico.
Sa kanilang Board Resolution No. 025, pinutol ng PSC ang monthly allowances ng mga national cyclists at coaches simula noong Enero 31 hanggat hindi nareresolbahan ang leadership issue sa pagitan nina Tolentino at Juico, dating chairman ng komisyon.
“The PSC was created for the athletes and should be pro-athletes and pro-sports development. Huwag naman po natin idamay ang mga atleta at coaches sa issue ng leadership sa cycling,” apela ni Tolentino kay Garcia.
Si lady rider Maritess Bitbit ay tumatanggap ng monthly allowance na P10,000, habang ang ibang national cyclists ay nakakakuha ng P6,000 at P15,000 naman ang mga coaches.
Si Tolentino, ang kasalukuyang Mayor ng Tagaytay City, ang kinikilala ng UCI (Union Cycliste Internationale) bilang lehitimong pangulo ng cycling association sa bansa, habang si Juico ang binasbasan ng Philippine Olympic Committee (POC).
Sa nakaraang mga leadership crisis sa National Sports Association (NSA), idinidirekta ng PSC sa mga national athletes ang kanilang financial support.