WIJK AAN ZEE, Netherlands--Maski ang draw kay top seed GM Radek Wojtaszek ng Poland sa final round ay hindi naging sapat para umangat si Filipino GM Weskey So sa 73rd Tata Steel-Corus Group B chess championship dito sa de Morianne Community Center.
Nakipaghati ng puntos ang 17-anyos na si So kay Wojtaszek (ELO 2726) para sa kanyang perfect record laban sa mga Super GMs sa nasabing 14-player, category-17 tournament.
Nangyari ang draw matapos ang 24 moves ng Queen’s Gambit kung saan tangan ni So, naglaro sa puting piyesa, ang rook, knight at limang pawns laban sa rook, bishop at limang pawns ni Wojtaszek.
Bago nakipag-draw kay Wojtaszek, nakihati rin sa puntos ang fifth-seeded na si So kay GM Zahar Efimenko (ELO 2701) ng Ukraine at tinalo sina GM Laurent Fressinet (ELO 2707) ng France at GM David Navara (ELO 2708) ng Czech Reublic.
Ang nasabing mga panalo ni So sa mga players na may ELO 2700-plus ratings ay inaasahang makakatulong sa pag-angat ng kanyang ELO 2673.
Sa kabuuan, tumapos si So na may apat na panalo, pitong draw at dalawang kabiguan para sa kanyang 7.5 points sa ilalim nina GM Luke McShane ng England at Navara at Efimenko.
Nag-draw sina McShane at Navara sa 57 moves ng King’s Indian para sa magkatulad nilang 8.5 points at pinaghatian ang 5,500 euro.
Nagtapos ang Filipino champion katabla sa third place sina GMs Le Quang Liem ng Vietnam at Gabriel Sargissian ng Armenia.