LOS ANGELES--Tumipa si Paul Pierce ng 32 points, at nagtala si Kevin Garnett ng 18 points at 13 rebounds para tulungan ang Boston Celtics sa 109-96 panalo sa kanilang NBA finals rematch ng Los Angeles Lakers.
Umiskor naman si Ray Allen ng 21 points para sa Celtics sa kanilang unang pagkikita matapos bumangon ang Los Angeles mula sa isang 13-point deficit patungo sa 83-79 win sa Game 7 noong Hunyo.
Naglista si Pau Gasol ng 12 points para sa Los Angeles.
Sa Oklahoma, City, gumawa si Dwyane Wade ng 32 points at isinalpak ni Eddie House ang isang go-ahead 3-pointer sa huling 22.2 seconds upang ihatid ang Miami Heat sa 108-103 panalo laban sa Oklahoma City Thunder.
Nagdagdag si LeBron James ng 23 points at 13 rebounds para sa Heat, habang nagposte si Chris Bosh ng 20 points sa kanyang unang laro matapos ang four-game absence.
Kumabig si Kevin Durant ng 33 points ngunit naimintis ang isang jumper na posibleng nagtabla sa Thunder.
Nag-ambag si Jeff Green had 23 points at 11 rebounds para sa Oklahoma City kasunod ang 21 points at 10 assists ni Russell Westbrook,
Sa Phoenix, umiskor si backup center Marcin Gortat ng career-high 25 points sa paggiya sa Phoenix Suns sa 104-102 tagumpay kontra New Orleans Hornets.
Sinupalpal ni Grant Hill ang tira ni Marcus Thornton sa huling 3.9 seconds at tumalbog naman ang 3-point shot ni Hornets guard Chris Paul sa pagtunog ng final buzzer.
Sa Orlando, Florida, humakot si Dwight Howard ng 20 points at 20 rebounds, habang gumawa si Ryan Anderson ng 23 points at 16 rebounds para sa 103-87 paggupo ng Orlando Magic sa Cleveland Cavaliers.