Para makabuo ng palabang koponan sa UAAP: La Salle sinasalang mabuti ang mga manlalaro
MANILA, Philippines - Masusing sinusuri ng La Salle ang talaan ng kanilang manlalaro upang matiyak na makakabuo ng palabang koponan para sa 74th UAAP season.
Sa ngayon ay mayroong 24 na manlalaro ang naglalaban-laban para sa slots na magtatangkang ibalik ang dating kinang ng Archers sa collegiate league.
Nagpalit man ng mga manlalaro ay hindi naman nabigo ang La Salle na makapasok pa rin sa Final Four kahit may limang rookies sila sa line-up.
Binigyan nila ng magandang laban ang FEU sa Final Four nang umabot ang laro sa overtime bago nila naisuko ang 59-69 pagkatalo.
Isa ang La Salle sa kaaabangan sa papasok na season dahil inaasahang maglalaro na sa koponan ang 6’7 Fil-Canadian center na si Norberto Torres.
Si Torres ay naglaro sa Philippine under 18 team na hinawakan ni Pumaren at tumapos sa ikapitong puwesto sa FIBA Asia Youth na nilaro sa Tehran, Iran.
May makakatuwang sa gitna si Torres sa katauhan ni Arnold Van Opstal na isang 18-anyos na tumitindig ng 6’9.
Ang mga higanteng ito ay makakatulong ng mga datihan sa pangunguna nina 6’3 Maui Villanueva, 6’4 Jovet Mendoza, 6’6 Philip Paredes at ang 6’5 na si Yulien Andrada para mapalakas ang gitna.
Inaasahang babalik din sa koponan ang kamador na sina Gabrial Banal, Joshua Webb at Almond Vosotros.
Ang koponan ay magpapalakas sa paglahok sa mga pre-season tournaments bukod sa planong ipadala ang mabubuong koponan sa 10-day training camp sa Chicago.
SaAttack Athletics Center magsasanay uli ang koponan at hahawakan sila ni Tim Grover na dating trainer ni Michael Jordan.
Magkakaroon din ng pagkakataon ang La Salle na masukat agad ang lakas ng three-time defending champion Ateneo ng maaga dahil may isang tune-up game na gagawin sa Dubai sa bandang Abril.
Magandang sagupaan ito dahil ang Eagles ay hinugot na rin sa koponan ang 7-footer at kasapi ng Smart Gilas player na si Greg Slaughter at makikilatis ang husay nito laban sa mga bagitong higante
Makakatulong ni Pumaren sa bench sina Tonichi Yturri, Jack Santiago at Lawrence Yulo habang ang mga nakatatandang kapatid na sina Derick at Franz ang kanyang mga advisers.
- Latest
- Trending