Donaire may kakayahang agawin ang korona kay Montiel - Juarez
MANILA, Philippines - Sa ipinapakita ni Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr. sa kanyang mga sparring session, malaki ang tsansa nitong agawin kay Mexican Fernando Montiel ang suot nitong world bantamweight titles.
Isa ang sparmate na si Austreberto Juarez sa mga sumasaksi sa ginagawang pag-eensayo ng 28-anyos na si Donaire bilang paghahanda sa kanyang paghahamon sa 31-anyos na si Montiel sa Pebrero 19 sa Mandalay Bay Resort & Casino sa Las Vegas, Nevada.
Sinabi ni Juarez, may perpektong 10-0-0 win-loss-draw ring record kasama ang 2 knockouts, na mahihirapan si Montiel kay Donaire.
“He’s a hard worker. He’s working hard for this fight,” sabi ng 25-anyos na flyweight na tubong Copandaro, Michoacán de Ocampo, Mexico at ngayon ay nakabase sa Ventura, California. “I love it because I am learning. I’m thankful that he brought me back.”
Nakatakdang hamunin ni Donaire (25-1-0, 17 KOs) si Montiel (44-2-2, 34 KOs) para sa mga hawak nitong World Boxing Council (WBC) at World Boxing Organization (WBO) bantamweight crowns.
Kasalukuyang nag-eensayo sina Donaire at Juarez sa Undisputed Boxing Gym sa San Carlos, California, USA sa ilalim ni Mexican trainer Robert Garcia, nasa corner ni Antonio Margarito nang mabugbog ni Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao noong Nobyembre sa Cowboys Stadium sa Arlington, Texas.
Si Juarez ay naging sparmate rin ni Donaire sa paghahanda nito kay Ukrainian Wladimir Sidorenko (22-3-2, 7 KOs) noong Disyembre 4 sa Honda Center Aneheim, California.
- Latest
- Trending