Julaton nasa magandang kundisyon para sa kanyang title defense vs Alcanter

MANILA, Philippines - Hindi problema kay Ana “The Hurricane” Julaton ang pagkakaroon ng halos tat­long linggo lamang para makapaghanda sa gaga­wing title defense sa suot na WBO Super bantamweight division.

“I never stop training and I’m in my best shape heading into my training for my next fight. I’m ready to do whatever my trainer would want me to do,” wika ni Julaton.

Ang 31-anyos na may 7 panalo sa 10 laban ay mag­sisimula ng kanyang pag­hahanda sa Lunes sa Wild Card Gym sa ilalim ng American trainer na si Freddie Roach.

Matatandaan na ang wa­­long laban ni Julaton ay nasa pagmamatyag ni Roach kaya’t naniniwala si Julaton na kaya siyang ihanda nang husto ng bati­kang trainer din ni Manny Pacquiao para sa laban niya sa Pebrero 15.

Kalaban niya ang challenger na si Franchesca “The Chosen One” Alcanter sa Craneway Pavilion sa Richmond, California.

Si Alcanter ay bihasa sa 126 hanggang 130 pound division at siya ang bababa para hamunin si Julaton sa 122 pound division.

“I treat each fight the same and I really work hard for it. I’m excited and I will gi­­ve my best performance in this fight,” wika pa ni Ju­laton.

Si Julaton na bumisita sa ikalawang pagkakataon sa bansa nitong nagdaang linggo ay tumulak na pabalik ng US nitong Linggo para masimulan ang kanyang paghahanda sa title fight.

Mahalaga kay Julaton na manalo sa laban dahil isang unification fight ang naghihintay sa kanya na po­sibleng gawin sa bansa sa Abril.

Ang nasabing title defense ay maipapalabas sa TV5 at UHF Channel 41 na siyang unang sports event ng nasabing istasyon.

Show comments