Julaton nasa magandang kundisyon para sa kanyang title defense vs Alcanter
MANILA, Philippines - Hindi problema kay Ana “The Hurricane” Julaton ang pagkakaroon ng halos tatlong linggo lamang para makapaghanda sa gagawing title defense sa suot na WBO Super bantamweight division.
“I never stop training and I’m in my best shape heading into my training for my next fight. I’m ready to do whatever my trainer would want me to do,” wika ni Julaton.
Ang 31-anyos na may 7 panalo sa 10 laban ay magsisimula ng kanyang paghahanda sa Lunes sa Wild Card Gym sa ilalim ng American trainer na si Freddie Roach.
Matatandaan na ang walong laban ni Julaton ay nasa pagmamatyag ni Roach kaya’t naniniwala si Julaton na kaya siyang ihanda nang husto ng batikang trainer din ni Manny Pacquiao para sa laban niya sa Pebrero 15.
Kalaban niya ang challenger na si Franchesca “The Chosen One” Alcanter sa Craneway Pavilion sa Richmond, California.
Si Alcanter ay bihasa sa 126 hanggang 130 pound division at siya ang bababa para hamunin si Julaton sa 122 pound division.
“I treat each fight the same and I really work hard for it. I’m excited and I will give my best performance in this fight,” wika pa ni Julaton.
Si Julaton na bumisita sa ikalawang pagkakataon sa bansa nitong nagdaang linggo ay tumulak na pabalik ng US nitong Linggo para masimulan ang kanyang paghahanda sa title fight.
Mahalaga kay Julaton na manalo sa laban dahil isang unification fight ang naghihintay sa kanya na posibleng gawin sa bansa sa Abril.
Ang nasabing title defense ay maipapalabas sa TV5 at UHF Channel 41 na siyang unang sports event ng nasabing istasyon.
- Latest
- Trending