Donaire pinulikat, sparring itinigil
MANILA, Philippines – Dahil na rin sa kahilingan ng HBO crew na tumakbo siya sa bulubundukin sa San Mateo, California, USA noong umaga, pinulikat si Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr. habang nasa kalagitnaan ng kanilang ensayo ni Mexican trainer Robert Garcia.
Sa kanyang pangatlong sparring partner sa Undisputed Gym, namulikat ang kanang binti ng 28-anyos na tubong Talibon, Bohol na nagtulak kay Garcia na ihinto na ang sparring session.
“It’s all HBO’s fault. They made me run in the morning,” pagbibiro ni Donaire, nakatakdang hamunin si Mexican world bantamweight champion Fernando Montiel sa Pebrero 19 sa Mandalay Bay Resort & Casino sa Las Vegas, Nevada.
Pilit na aagawin ni Donaire ang mga suot ni Montiel na World Boxing Council (WBC) at World Boxing Organization (WBO) bantamweight crowns.
Kaya naman walang tigil sa pag-eensayo si Donaire, kasalukuyang bitbit ang 25-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 17 KOs kumpara sa 44-2-2 (34 KOs) slate ng 31-anyos na si Montiel.
- Latest
- Trending