MANILA, Philippines – Hindi dapat ikagulat ng mga panatiko ni Ana “The Hurricane” Julaton kung manalo siya sa pamamagitan ng knockout laban kay Franchesca “The Chosen One” Alcanter sa tagisang magaganap sa Pebrero 25 sa Cranceway Pavilion, Point Richmond, California.
“You can’t look at a knockout win but I won’t be surprise if that happen,” wika ni Julaton nang sinamahan ng manager na si Angelo Reyes sa press conference na handog ng TV5 sa Max Roces sa Quezon City kahapon.
Si Alcanter ay bihasa sa paglaban sa featherweight division kung kaya’t mas malaki ito sa laban nila ni Julaton na idedepensa naman ang hawak na WBO female super bantamweight title.
Pero napag-aralan na umano ng 30-anyos na si Julaton ang kalaban sa huling laban nito kontra kay Ina Menzer noong Mayo 2, 2009 para sa WBO female featherweight title na kung saan natalo si Alcanter sa pamamagitan ng unanimous decision.
“She throws a lot of jabs and left hook and kept on pressuring her opponent. I expect it to be a tough fight but I know what I have to do and I’m confident of winning this fight,” dagdag pa ni Julaton na mayroong 7 panalo sa 10 laban kasama ang isang KO.
Ang bilis ni Julaton ang siya namang nakikitang pinakamabisang sandata ng kampeon kaya’t tiwala si Reyes na hindi aabot sa seventh o eight round ang laban at mananalo si Julaton.
Kailangang manalo ni Julaton dahil may inililinyang mas mabigat na laban ang kanyang kampo na isasagawa sa Pilipinas sa bandang Abril.
Kinatawan naman ni Raul dela Cuz ang TV5 at binanggit niya na ang laban ni Julaton ang siyang magpapasimula sa mga sports programs na ipapalabas di lamang sa nasabing istasyon kundi pati sa Aksyon TV UHF cable Channel 41.