Hati ang damdamin ng mga Pilipino na mahihilig sa sports sa ginagawang pagbabalasa ng Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP).
Kamakailan ay pinatatanggal na rin sa listahan ng national team bilang coach at boxers sina women’s team assistant coach Glicerio “Boy” Catolico, Jr. at ang kapapasok lang sa nakalipas na taon na anak na si Glicerio Catolico III, gayundin sina Bill Vicera, Jameboy Vicera at Lucy Bayo.
Unang nasampulan ni ABAP executive director Edgar Genaro Picson ang mahusay na boksingera na si Annie Albania at si coach Isidro Vicera.
Epektibo ngayong Enero ang pagkakatanggal ng naturang coaches at players sa ABAP boxing pool.
Ang mga ito ay tatanggalan ng benepisyo at pribilehiyo na tulad ng monthly allowances at free board & lodging sa mga pasilidad ng government sports agency sa Manila (Rizal Memorial Sports Complex) at sa Baguio City (Teacher’s Camp).
Sinibak si Albania, itinuturing na pinakamakahusay na boksingera sa kasalukuyan, dahil sa hindi nito agad pagbabalik-training noong Enero 3, habang si coach Vicera ay madalas umano na absent.
Makailang beses nang nakapagbigay ng mga karangalan para sa bansa ang 28-anyos na si Albania kabilang ang mga sinikwat na mga medalyang ginto sa Asian Indoor Games, Southeast Asian Games, Asian Games at iba pa.
Sabi ng marami tama lamang na sinibak ang mga atleta at coaches dahil sa walang disiplina ang mga ito. Sumasang-ayon sila sa ginagawa ni Picson na ilang ulit na ipinahayag na kahit pa gold medalist ang atleta ay hindi pa rin ito nagsisiguro ng slot sa national team.
Isa kasing malaking batayan para kay Picson ay ang attitude at disiplina ng athlete. Tila daw lumaki na ang ulo ng naturang mga athletes habang ang mga coaches naman ay sila pa ang nagpapasimula at nagkukunsinti sa mga ito.
Marami rin naman ang nagsasabi na dapat na ibalik na ang boksingera at coaches lalo na si Albania. Ayon sa kanila ay naturuan na ng leksyon ang mga ito kaya’t dapat nang ibalik upang hindi madiskaril ang hangad ng ABAP na gintong medalya sa Olympiada.
Para sa atin, si Picson ang ama ng ABAP at ang mga boksingera at coaches ang kanyang mga anak. Kumbaga ay isa silang pamilya. Hindi ba’t ang anak kapag nagkakakamali ay pinagagalitan at kung minsan pa nga ay napapalo lalo na kapag matigas ang ulo. Pero pagkatapos na matutunan ng anak ang leksyon ay ang ama pa rin ang dapat na mag-angat sa anumang ambisyon ng anak.