Ph Patriots tatapusin na ang kanilang serye ng Dragons

MANILA, Philippines - Wakasan na ang serye nila ng KL Dragons ang sisikaping gawin ng bisitang Philippine Patriots sa paglarga ng Game Two ng AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) Season II semifinals ngayon sa MABA Gym sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Puwesto muli sa Finals ang gantimpala ng Patriots kung sakaling makadalawa sila sa Dragons sa playoffs na matutunghayan ganap na alas--8 ng gabi.

Nakauna ang nagdedepensang kampeon sa best-of-three semis series sa pamamagitan ng 88-83 panalo sa Dragons sa Game One na nilaro noong Linggo sa Philsports Arena sa Pasig City.

Kinakitaan ng tikas ng paglalaro si Gabe Freeman, habang ang ibang ginamit sa laro ni coach Louie Alas ay gumana rin para sa isang panalo patungo sa paglapit sa paghablot ng kanilang ikalawang sunod na ABL title.

Si Freeman ay nagpasabog ng pinakamabangis niyang laro na 36 puntos at karamihan ay ginawa niya sa huling yugto kung saan tuluyang ibinaon ng Patriots ang Dragons.

Pero dahil dayo sila ngayon, aminado si Alas na dapat ay mas mainit ang ipakikita nilang laban sa Dragons na balak naman na pigilan ang paglasap ng ikalawang sweep sa kamay ng Patriots sa playoffs.

Maliban kay Freeman ay aasahan rin ni Alas si Steve Thomas bukod pa kina Ernesto Billones, Benedict Fernandez at Jun-Jun Cabatu.

Si Thomas ay mayroong 16 rebounds bukod sa 11 puntos upang makayanan nitong bigyan ng hamon si Nakiea Miller.

Si Justin Leith ang aasahan sa pagpuntos, habang ang mga Filipino imports na sina Rudy Lingganay at Patrick Cabahug ay kailangan ring kuminang para makahirit ng Game Three ang Dragons na itinakda sa Linggo sa Pilipinas.

Ang mananalo sa labanang ito ang siyang makakasukatan ng mananalo sa pagitan ng Chang Thailand Slammers at Singapore Slingers sa isang serye.

Show comments