MANILA, Philippines - Pinayagan na ang paglalaro ng Smart Gilas sa darating na reinforced conference at tuloy na ang pagbubukas ng developmental league sa Marso.
Ito ay dalawa sa ilang bagay na napagkasunduan ng mga team owners ng Philippine Basketball Association (PBA) sa isinagawang pulong kahapon sa EDSA Shangri-La Hotel.
Ang okasyon ay dinaluhan nina Ramon S. Ang ng San Miguel Corporation, Wilfred Steven Uytengsu ng Alaska Milk, Bert Lina ng Air21, JB Baylon ng Coca-Cola/Powerade, Terry Que at Raymond Yu ng Rain or Shine at Manny V. Pangilinan ng Talk ‘N Text at Meralco.
Ang Smart Gilas ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP), pinamumunuan rin ni Pangilinan, ang siyang sasalo sa maiiwang puwesto ng Barako Bull sa reinforced conference sa Pebrero 18.
Nauna nang humiling ang Photokina franchise ni George Chua sa PBA na magsusumite ng ‘leave of absence’ dahilan sa sinasabing financial problem nito.
“Barako Bull’s request for a leave of absence in the second conference has been approved by the PBA Board and this means that Smart Gilas’ participation has also been approved,” ani PBA Commissioner Chito Salud. “Whether Smart Gilas continuously participate at the end of the second conference or not remains optional.”
Natalo ang Smart Gilas ni Serbian coach Rajko Toroman sa Al Wahda ng Syria, 89-91, sa quarterfinal round ng 22nd Dubai Invitational basketball tournament.
Pinaghahandaan ng Smart Gilas ang 2011 FIBA-Asia Men’s Championship.
Ang Smart Gilas ay makakakuha lamang ng parte sa Barako Bull sa gate receipts at hindi sa television at advertising revenues .
Inaprubahan rin ng mga PBA team owners ang pagdaraos ng PBA Commissioner’s Office ng D-League sa Marso na posibleng pumalit sa Philippine Basketball League (PBL).