Matinding frontline
Biglang naging solid ang frontline ng Air 21 Express matapos na makuha si Jay-R Reyes buhat sa Rain or Shine Elasto Painters kamakailan.
Ang paglipat ni Reyes ay bahagi ng isang three-way trade kung saan kasali din ang Meraco Bolts. Sa ilalim ng kasunduan ay nakuha din ng Express si Reed Juntilla. Napunta sa Meralco sina Sol Mercado, Paolo Bugia at Erick Rodriguez, samantalang nakuha ng Rain or Shine sina Ronjay Buenafe, Beau Belga, Ronie Matias at dalawang future draft picks.
Bunga ng pagkakapamigay kay Reyes, tanging si Jireh Ibanes na lang ang natira sa mga original members ng Rain or Shine (dating Welcoat Paints).
Aba’y inakala ng karamihan na si Reyes ay hinding-hindi ipamimigay ng Rain or Shine dahil sa ito ang siyang “future” ng team. Big man ito eh. Si Reyes ang inaasahang dodomina sa shaded area nang husto.
Hindi nga ba’t mayroong yugto kung saan kumalat ang balitang magpapalitan ng big men ang Purefodos Tender Juicy Giants at Rain or Shine ilang conferences na ang nakalilipas. At ang foal point sa trade na ito ay sina Reyes at Kerby Raymundo? Pero hindi ito natuloy. O hindi yata talaga tinotoo ang usapan.
Pero sa pro leage, wala talagang permanente, Bihira lang ‘yung magsimula’t magtapos sa iisang koponan ang isang manlalaro. At natapos na nga ang koneksyon ni Reyes sa Rain or Shine!
Well, tila okay naman ang kanyang lilipatan.
Kasi nga’y nakakatakot ngayon ang Air21 kung “size” ang pag-uusapan.
Lumalim kasi ang gitna ng Express sa pagdating ni Reyes. Biruin mong bago nagsimula ang season ay nakakuha ng dalawang matinding big men ang Express sa katauhan ng mga rookies na sina Rabeh Al-Hussaini at Nonoy Baclao!
Si Al-Hussaini ang siyang leader sa labanan para sa Rookie of the Year honors bagamat No. 2 pick overall lang siya. Aba’y may average siya ng double figures sa scoring at halos double figures din siya sa rebounding,
Si Baclao naman ay naaasahan sa depensa at siya ang leader sa shot blocks. Sina Al-Hussaini at Baclao ay parehong produkto ng Ateneo Blue Eagles.
Eh, nasa kampo pa rin naman ng Air21 si Carlo Sharma na kapatid ni Al-Hussaini. Rugged ang sentrong ito at maaasahan sa mga pisikal na plays.
Four-deep ang center slot ng Express at kaya na nila ngayong tapatan ang gitna ng kahit na anong iba pang teams sa PBA. Kung paniniwalaan ang kasabihang “height is might,’ aba’y nakalalamang na ngayon ang Air21.
Ang paglipat ni Reyes sa Air21 ay hindi naman kataka-taka. Kasi, sa paglipat niya ay makakasama niya si Allan Gregorio na ngayon ay team manager ng Express.
Kung maaalala, si Gregorio ang coach ng University of the Philippines Fighting Maroons nang pumalaot si Reyes sa UAAP galing sa Letran Squires.
Masayang reunion ito. Baka magbunga ng maganda!
- Latest
- Trending