MANILA, Philippines - Ang matagumpay na national men’s poomsae team at ang mga silver medal winners sa nakaraang 16th Asian Games sa Guangzhou, China ang mga tatanggap ng major honors sa annual Awards Night ng Philippine Sportswriters Association (PSA).
Ang tatluhan ng magkapatid na Brian at Jean-Pierre Sabido at Anthony Matias kasama sina boxer Annie Albania, cue artist Warren Kiamco, golfer Miguel Tabuena at ang Philippine men’s chess team ang mangunguna sa 14 elite personalities para sa major award ng pinakamatandang media organization sa bansa.
Nakatakda ang awards night sa Marso 5 sa Manila Hotel.
Si Matias at ang magkapatid na Sabido brothers ang nag-uwi ng men’s gold medal mula sa 5th WTF World Poomsae Championships sa Universal Sports Palace sa Tashkent, Uzbekistan.
Sina Albania, Tabuena at Kiamco at ang men’s chess team, binanderahan ni GM Wesley So katuwang si GM Eugene Torre, ang kumuha ng apat na silver medals sa Guangzhou Asiad.
Makakatanggap rin ng major award mula sa sports association na itinatag noong 1949, ang Philippine women’s basketball team at ang boxing trio nina Nonito Donaire Jr. , Donnie `Ahas’ Nietes at Ana Julaton.
Hinawakan ni coach Haydee Ong, ang Filipina cagebelles ang umangkin sa kauna-unahang Southeast Asian Basketball Association (SEABA) women’s cage title matapos ang five-game sweep ng week-long tournament na idinaos sa Ninoy Aquino Stadium.
Si Nietes ay matagumpay namang naidepensa ang kanyang World Boxing Organization (WBO) minimumweight title via unanimous decision kay Mexican Mario Rodriguez sa Sinaloa, Mexico, habang si Julaton ang umangkin sa WBO super-bantamweight championship buhat sa isang split decision kay Mexican Maria Elena Villalobos sa Casino Rama sa Ontario, Canada.