MIAMI - Umiskor si Mike Miller ng 32 points para tulungan ang Miami Heat sa 120-103 paggupo sa Toronto Raptors at wakasan ang kanilang four-game losing slump.
Humugot si Miller ng 22 points sa second quarter, habang tumapos naman si LeBron James na may 38 points at 11 rebounds para sa Heat na hindi nakuha ang serbisyo nina Dwyane Wade at Chris Bosh dahil sa injury.
Nagdagdag sina James Jones at Eddie House ng 15 at 13 points, ayon sa pagkakasunod, para sa Miami.
Kinuha ng Heat ang 32-17 lamang sa first quarter at inilista ang 66-40 abante sa first half bago ito naputol ng Raptors sa 10 points sa 10:13 sa final canto.
Umiskor si DeMar DeRozan ng 30 points para sa Toronto, habang may 28 si Andrea Bargnani.
Nag-ambag si Jose Calderon ng 14 points at 13 assists para sa Raptors na may 0-5 rekord sa kanilang road games.
Nagsalpak sina DeRozan at Bargnani ng pinagsamang 25 points para sa 37 points ng Toronto sa third quarter hanggang makalapit sa Miami sa 99-92 sa huling anim na minuto sa laro.
Sa New Orleans, nasikwat ng host team ang kanilang ikawalong dikit na panalo nang tapusin ang winning streak ng San Antonio sa bisa ng 96-72 panalo.
Sa Oklahoma City, nagsalpak si Kevin Durant ng tres kasabay ng pagtunog ng buzzer at tumapos ng 30 puntos upang trangkuhan ang Thunder sa 101-98 pananaig laban sa New York Nicks.
Sa Houston, naglatag ang Orlando Magic ng malaking kalamangan sa first-half na kanilang sinandigan tungo sa 118-104 tagumpay laban sa Rockets.
Sa iba pang laro, pinataob ng Washington Wizards ang Boston Celtics, 85-83; hiniya ng Atlanta Hawks ang Charlotte Bobcats, 103-87 at nalusutan ng Philadelphia 76ers ang Utah Jazz sa iskor na 96-85.