Isa na lang sa Patriots
MANILA, Philippines - Ipinakita ni Gabe Freeman ang pang-playoff na laro upang pangunahan ang nagdedepensang Philippine Patriots sa 88-83 panalo laban sa KL Dragons sa pagsisimula ng AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) Season II semifinals kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Nakita ang kaseryosohan sa paglalaro ng 6’6” import nang magbagsak ito ng 36 puntos kasama ang 23 puntos sa second half upang lumapit sa isang laro sa hangaring makabalik sa Finals sa anim na bansang liga.
“Excellent game from Gabe,” wika ni coach Louie Alas. “Sinabi niya sa akin na ibigay na sa kanya ang bola dahil open lagi ang gitna ng kalaban at ito nga ang ginawa namin.”
May 12 puntos nga sa huling yugto si Freeman at kinatampukan ito ng baseline jumper may isang segundo sa shotclock na siyang nagbigay ng tuluyan ng kalamangan sa Patriots, 72-71.
Huling dikit ng Dragons, na may 2-1 karta sa Patriots sa eliminasyon, ay sa 73-75 sa dalawang free throws ni Cabahug pero umatake uli si Freeman sa kanyang pitong sunod na puntos na tinapos sa isang tres para mahawakan ng home team ang 82-73 kalamangan may 2:53 sa orasan.
Naghahatid lamang ng 16.8 puntos at 10 rebounds kada laro, si Freeman ay humablot din ng 11 rebounds at may 7 assists sa 38 minutong paglalaro.
Marami rin ang sumuporta sa kanya tulad ni Steve Thomas na may 16 rebounds upang isama sa kanyang 11 puntos, 2 blocks, 2 steals at 1 assists habang sina Benedict Fernandez at Ernesto Billones ay nag-ambag ng 10 at 9 na puntos.
Si Chito Jaime na ginamit lamang sa second half ay may 6 rebounds upang tulungan ang Patriots na makontrol ang rebounding, 49-34, para rin sa 14-0 second chance points.
May 26 puntos si Justin Leith pero tatlong puntos lamang ang ibinigay niya sa huling yugto para kapusin sa laban ang Dragons.
PH PATRIOTS 88--Freeman 36, Thomas 11, Fernandez 10, Billones 9, Ybanez 7, Cabatu 4, Jaime 3, Sta Maria 3, Salangsang 3, Alcaraz 2, Crisano 0, Sta Cruz 0.
KL DRAGONS 83 --Leith 26, Miller 23, Lingganay 15, Cabahug 9, Ng 7, Wei 1, Batumalai 1, Raymundo 0, Jing 0.
Quarterscores: 18-18; 41-35; 64-59; 88-83.
- Latest
- Trending