MANILA, Philippines - Handa na ang nagdedepensang Philippine Patriots na maipakita ang tunay nilang paglalaro sa pagbubukas ngayon ng ASEAN Basketball League (ABL) Season II Playoffs.
Mismong si coach Louie Alas ang nagsabi nito nang makitaan ng intensidad ang mga manlalaro sa ginagawang paghahanda sa Game One sa best-of-three semifinals series laban sa KL Dragons na gagawin ngayong alas-4 ng hapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
“Nakikita mo sa kanila na seryoso sila at nakikipag-cooperate. Alam na rin nila ang kanilang roles kaya masasabi kong handa na sila sa Playoffs,” wika ni Alas.
Taglay ang home court advantage, hanap ng Patriots na maduplika ang 2-0 sweep sa Dragons na nailista noong nakaraang taon.
Nagdomina ang Dragons sa Patriots sa eliminasyon, 2-1, kaya’t marami ang nagdududa kung kaya pa ng koponang pag-aari nina Mikee Romero at Tony Boy Cojuangco na maisakatuparan ang hangaring maging kauna-unahang koponan sa liga na makadalawang sunod na kampeonato.
Susi ang ipakikitang depensa ng Patriots at naghanda nga ng malupit na transition defense ang koponan para pigilan ang opensa ng Dragons na tiyak na isasandal kina Nakiea Miller, Justin Leith at Filipino imports Patrick Cabahug at Rudy Lingganay.
Sina Steve Thomas at Gabe Freeman naman ang aasahan ng Patriots ngunit dapat ding matuto si Freeman na limitahan ang kanyang mga fouls upang mas makatulong sa end game.
Si Egay Billones ang mangunguna sa locals para sa hangaring panalo ng koponan.