Wesley nakakuha rin ng panalo matapos ang apat na sunod na draw
WIJK AAN ZEE, Netherlands – Matapos ang apat na draw, nakatikim rin ng panalo si Filipino Grand Master Wesley So.
Tinalo ng 17-anyos na si So si GM Surya Shekhar Ganguly ng India sa 30 moves ng French defense at tumabla sa ikatlo hanggang ikaanim na puwesto sa 73rd Tata Steel-Corus Group B chess championship dito sa de Morianne Community Center.
Kinuha ni So ang una niyang panalo sa kabila ng paghawak sa itim na piyesa laban kay Ganguly.
Sa kanyang 3.0 points, isang puntos lamang ang layo ni So sa nangungunang si GM Luke McShane ng England at kalahati naman kay GM Zahar Efimenko ng Ukraine papasok sa sixth round ng nasabing 14-player, category-17 tournament.
Nakatakdang harapin ni So si GM Laurent Fressinet ng France, nakipag-draw kay McShane sa 37 moves ng Reti , sa sixth round.
Binigo naman ni Efimenko si GM David Navara ng Czech Republic para sa kanyang 3.5 points.
Pinayukod ni top seed GM Radek Wojtaszek ng Poland si GM Friso Nijboer ng the Netherlands , habang nagtabla naman sina GM Gabriel Sargissian at GM Li Chao ng China para makadikit si So.
- Latest
- Trending