Manny at Obama posibleng magkita?
MANILA, Philippines – Si Manny Pacquiao magiging bisita ni United States President Barrack Obama sa White House?
Maaari itong mangyari sa pagbiyahe ng Sarangani Congressman sa United States sa Pebrero para sa pagsisimula ng kanilang official press tour ni Sugar Shane Mosley.
Si Senate Majority Leader Harry Reid, isang Democrat mula sa Nevada, ang sinasabing gagawa ng paraan upang magtagpo sina Pacquiao at Obama para sa isang pagbisita o photo opportunity sa White House.
Ang pagkampanya ng 32-anyos na Filipino world eight-division champion sa isang rally ni Reid sa Las Vegas, Nevada ang sinasabing nagdala ng malaking bilang ng boto sa Democrat laban sa karibal na si Sharron Angle.
“When Manny Pacquiao is in there fighting,” ani Reid sa nasabing rally, “I think he is fighting for those who cannot fight for themselves. And that’s why he weint into public service in his home country...where he is a Congressman!”
Dumalo si Pacquiao sa naturang political rally ni Reid sa kabila ng pagiging abala sa paghahanda sa kanilang laban ni Mexican Antonio Margarito noong Nobyembre 2010 sa Cowboys Stadium sa Arlington, Texas.
Minsan nang nagkrus ang mga landas nina Pacquiao at dating US President Bill Clinton sa US.
Nakatakdang maglaban sina Pacquiao at Mosley sa Mayo 7 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas.
Magsisimula naman ang kanilang official press tour sa Pebrero 10 sa Los Angeles kasunod sa Las Vegas, New York, San Francisco at Washington, D.C.
- Latest
- Trending