MANILA, Philippines - Pinasigla ng Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) ang kanilang kampanya sa kabuuan ng taong 2010.
Sa nakaraang 16th Asian Games sa Guangzhou, China noong Nobyembre, sumuntok si Rey Saludar ng ikatlong gold medal ng bansa.
Bago ito, limang gintong medalya ang nakolekta ng mga amateur boxers sa 26th Southeast Asian Games sa Laos noong 2009.
Natalo sa gold medal round sa 2009 SEA Games, ibinulsa ng 23-anyos na si Saludar ang gintong medalya sa men’s flyweight division laban kay Chinese bet Yong Chang, 13-11, sa 2010 Guangzhou Asiad.
Maliban sa gold medal ni Saludar, nakahugot rin ang ABAP ng silver medal kay Annie Albania sa women’s flyweight class at bronze kay Victorio Saludar sa men’s light flyweight category.
Mula sa kanilang tagumpay sa ibabaw ng boxing ring, kinilala ang ABAP bilang National Sports Association (NSA) of the Year ng Philippine Sportswriters Association (PSA) para sa Awards Night na nakatakda sa Marso 5 sa Manila Hotel.
Ito ang ikalawang beses na pagpaparangal ng PSA sa ABAP matapos noong 2006.
Ang mga naunang NSAs na kinilala ng pinakamatandang media organization sa bansa ay ang Philippine Taekwondo Association (2004), Philippine Dragon Boat Federation (2005), Philippine Aquatics Sports Association (2007), Philippine Wushu Federation (2008) at Philippine Amateur Track and Field Association (2009).