Kung si trainer Freddie Roach ang tatanungin, mas gusto niyang makalaban ni Manny Pacquiao si Mexican Juan Manuel Marquez kesa kay American Sugar Shane Mosley.
"No, my first option was Marquez. I think he deserved a third fight, but now everything is left up to negotiations," sabi ni Roach sa isang panayam.
Sa pagpili ni Bob Arum ng Top Rank Promotions sa 39-anyos na si Mosley, hindi na naitakda ang “trilogy’ ng 32-anyos na si Pacquiao at ng 37-anyos na si Marquez.
Sa kanilang unang paghaharap noong Mayo ng 2004, itinakas ni Marquez ang isang draw sa kabila ng tatlong beses na pagbagsak sa first round.
Kinuha naman ng Filipino world eight-division champion ang isang kontrobersyal na split decision para agawin kay Marquez ang dating suot nitong World Boxing Council (WBC) super featherweight crown noong 2008 sa kanilang rematch.
Matapos ito ay pinagpipilitan pa rin ni Marquez, ang kasalukuyang world lightweight titlist, na siya ang nanalo sa kanilang rematch ni Pacquiao.
“I do not think Pacquiao has anything to prove. The first fight was a draw and after that Pacquiao won by a point. But let’s be honest, Marquez is the biggest challenge for Manny, and he’s the only one who knows how to fight with him,” ani Roach.
Itataya ni Pacquiao ang kanyang hawak na World Boxing Organization (WBO) welterweight title laban kay Mosley sa Mayo 7.